2 senglot nag-amok: 2 patay

CAVITE – Dalawang sibilyan ang iniulat na nasawi makaraang mag-amok ang dalawang senglot na lalaking namaril sa bahagi ng Barangay Lantik sa bayan ng Carmona, Cavite kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ay sina Keymart Jamon, 8; at Maricel Beninson, 18, na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay.

Nasa kritikal namang kalagayan ang isa sa suspek na si Berlie "Loklok" Castillo matapos na kuyugin ng mga istambay na kalalakihan.

Samantala, nakatakas ang kasamahan ni Castillo na si Melvin Onia na kapwa residente rin ng nasabing lugar.

Sa ulat ni P/Supt. Romeo Aspe na isinumite kay P/Senior Supt. Benjardi Mantele, provincial director, ganap na alas-9 ng gabi nang biglang pumasok ng bahay ang mga senglot na suspek, kaya nagulat ang mga nakaupo sa sala na sina Romeo Casingal Jr, Mary Jane Sevilla at Lita Pagad.

Agad na sinita nina Romeo at Lita ang dalawang senglot na suspek hanggang sa magkaroon ng pagtatalo at nauwi sa pamamaril.

Tinamaan ng bala ng baril ang dalawang biktima na natutulog sa loob ng bahay hanggang sa kuyuging gulpihin ang mga suspek, subalit nakatakas si Melvin at ang naiwan ay si Castillo na nagtamo ng maraming sugat sa katawan. (Cristina Timbang)

Show comments