Ayon kay Cordon Mayor Amado Vallejo, kasalukuyang hinuhukay sa nasabing lugar para sa itatayong pay restroom nang biglang bumulwak ang isang uri ng kemikal na noong una ay inakalang tubig, subalit amoy petrolyo kung kayat pinagkaguluhan ng mga residente.
Sa pahayag kahapon ni Mayor Vallejo, aabot sa dalawang drum ng nasabing kemikal ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng Cordon-LGU habang dalawang iba pang drum ang sinalok ng mga residente matapos pagkaguluhan ang walang humpay na pag-agos ng nasabing petrolyo.
Batay sa pagsusuri na isinagawa ng Philippine National Oil Company (PNOC) ng Cagayan Valley, naghalu-halong produktong petrolyo tulad ng gas, gasolina at krudo ang nahukay na maaaring may pinanggagalingan sa ilalim ng lupa.
Hinihintay din ang isasagawang pagsusuri ng Petron matapos magpadala ng sample ng isang pang botelya ng nasabing kemikal upang matiyak kung anong uri ng kemikal ang kanilang nahukay.
"Ang nakuhang petrolyo ay mga finished products ayon sa PNOC, subalit hihintayin pa namin ang resulta mula sa Petron company kung ano ang kalalabasan, kung tagas man ito, ang pinagtataka namin, saan galing at bakit ganun na lamang karami, baka sakaling ito ay natural minerals," pahayag ni Vallejo.
Sa kasalukuyan ay muling pinatabunan ni Mayor Vallejo ang nasabing hukay para huwag na muling pagkaguluhan ng mga residente. (Victor Martin )