CAVITE Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 24-anyos na estudyanteng Koreano na pinaniniwalaang pinipilit ng kanyang ina na magtungo sa Canada para tapusin ang pag-aaral makaraang magbigti sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Amadeo, Cavite kamakalawa. Natagpuang nakabitin ang biktimang si Park Young Kyo, binata, estudyante ng De La Salle University sa bayan ng Dasmariñas, Cavite at residente ng #128 Flavin St. corner A. Mabini St. ng bayang nabanggit. Ayon kay SPO3 Buladas, bago maganap ang insidente ay kausap sa celfone ng biktima sa kanyang ina na pinipilit na ipagpatuloy ang pag-aaral sa Canada, subalit tumanggi ang binata. May teorya ang pulisya na dinamdam ng biktima ang naging pagtatalo nila ng ina kaya nagdesisyong mag-suicide.
(Cristina Timbang) Notoryus na tulak, itinumba |
PAMPANGA Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 34-anyos na mister ng mga hindi kilalang kalalakihan habang ang biktima kasama ang live-in partner ay nakatayo sa harapan ng karinderya sa Barangay San Roque sa bayang ng Guagua, Pampanga, kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Abelardo "Bagus" Matitu ng Barangay San Nicolas, Sasmuan, Pampanga. Ayon kay P/Chief Insp. Rosario Garcia, tinamaan ng ligaw na bala ang ka-live-in ng biktima at ngayon ay nasa ligtas na kalagayan. May teorya ang pulisya na vigilante group ang tumapos sa buhay ng biktima. (Resty Salvador)
Konsehal ng barangay kinatay |
LEGAZPI CITY Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 61-anyos na konsehal ng barangay ng kanyang ka-barangay makaraang tumulong ang biktima sa pakikipag-ayos sa awayan ng pamilya ng huli sa Barangay Casugad sa bayan ng Bula, Camarines Sur, kamakalawa. Animoy kinarne ang buong katawan ng biktimang si Arturo Meliton, may asawa, samantalang tugis ng pulisya ang tumakas na suspek na si Roger Baldago 30, na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay. Napag-alamang namagitan ang biktima sa sigalot ng pamilya ng suspek hanggang sa maareglo ang gulo, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagalit ang suspek kaya naganap ang krimen.
(Ed Casulla)