Ayon kay P/Senior Supt. Rogelio Damazo, police provincial director ng Nueva Vizcaya, nadiskubre ang plantasyon ng marijuana matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa isang asset ng pulisya.
Matapos ang halos dalawang linggong surveillance ng ilang tauhan ng pulisya ay nakumpirmang positibo nga ang impormasyon kung kayat agad na tinungo ang nasabing kagubatan sa Barangay Birut, Dupax Del Norte na halos nasa pagitan na ng bayan ng Alfonso Castañeda.
Sa pahayag ni P/Supt. Agripino Lopez, hepe ng provincial Intelligence unit na nanguna sa nasabing operasyon, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang umpisahan nilang tahakin ang matirik na daan patungo sa nasabing plantasyon bago makarating dakong alas 8:00 ng umaga kamakalawa.
Sa teorya ng pulisya, may tatlong taon na ang nasabing taniman ng marijuana dahil may mga bakas ng dating inani, may mga seedling na pinapatubo, may mga bagong tanim at mga namumulaklak kabilang na ang mga maaaring anihin at maibenta.
Maliban sa mga elemento ng provincial police at Philippine Drug Enforcement Agency na nanguna sa nasabing operasyon pinapurihan din ni Damazo ang ilang tauhan ng pulisya mula sa 1st at 2nd Police Provincial Mobile Group at ilang lokal na pulisya sa lalawigang nabanggit sa matagumpay na operasyon. (Victor P. Martin)