4 patay sa Batangas massacre

SAN PASCUAL, Batangas – Minasaker muna ang tatlo katao kabilang ang dalagang nililigawan bago tuluyang nag-suicide ang isang naghuramentadong lalaki sanhi ng kabiguan sa pag-ibig sa malagim na insidente sa bayang ito noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Senior Superintendent Francisco Don Montenegro, Batangas Police Director ang suspek na si Frederick Torremocha, 25 at ang mga nasawing biktima ay sina Lyka Umali, 17, Belen Umali, 71 at Rebecca Umali, 44; pawang mga residente ng Brgy. Palsahingin sa bayang ito.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-7 ng gabi ng dumalaw si Torremocha, na isang masugid na manliligaw ni Lyka Umali sa bahay ng huli ilang metro lang ang layo sa bahay ng suspek.

Kasama naman ni Lyka noon ang kanyang tiyahin na si Rebecca at ang lola nitong si Belen nang kasalukuyang umaakyat ng ligaw si Torremocha.

Sa kasamaang palad, binasted umano ni Lyka si Torremocha na minasama naman ng binata na noo’y lango sa alak.

Dahil sa napahiya, naghurementado umano ang suspek at sunud-sunod na sinaksak si Lyka sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Matapos saksakin si Lyka, pinagbalingan naman nitong saksakin sina Rebecca at Belen gamit ang isang matalim na kutsilyo.

Dead-on-the-spot sina Lyka at Belen, samantalang namatay habang ginagamot sa Bauan Doctors Hospital si Rebecca dahil sa tinamong mga sugat sa katawan.

Matapos ang pananaksak, nagtangka umanong tumakas si Torremocha pero ng malapit ng maabutan ng mga pulis ay nagbaril sa sarili gamit ang isang 22 paltik revolver at binawian ng buhay habang ginagamot sa Bauan Hospital. (Arnell Ozaeta)

Show comments