Ex-municipal treasurer kulong ng 17-taon

Labimpitong taong pagkabilanggo ang inihatol ng Sandiganbayan Second Division laban sa akusadong dating municipal treasurer ng bayan ng Lamut, Ifugao matapos na mapatunayang lumabag sa itinakdang batas na nauukol sa mga kawani at opisyal ng gobyerno may 30-taon na ang nakalipas.

Nauna nang hinatulan ng Ifugao Regional Trial Court Branch 14 noong Hulyo 30, 2003 ang akusadong si Marcelino Pagaddut ng 12-taong pagkabilanggo, subalit iniapela niya sa Sandiganbayan na nagdesisyon naman gawing 17-taong.

Sa 10-pahinang desisyon ni Associate Justice Francisco Villaruz, nakasaad na nagkamali ang Ifugao RTC sa kanilang hatol dahil ang tamang penalty ay 10 hanggang 17-taong pagkabilanggo dahil wala pang 60-anyos ang akusado nang mangyari ang krimen noong 1977.

Itinaas din ng Sandiganbayan ang halagang dapat bayarang multa ng akusado na P51,920 mula sa dating P20,580 na ipinataw ng Ifugao RTC.

Base sa record, si Pagaddut ay inakusahan ng malversation of public funds matapos na matuklasan ng provincial auditor na kulang ang kanyang koleksyon P25,960.28 noong Pebrero 1976.

Ikinatwiran naman ni Pagaddut na ang fund shortage ay nauwi sa cash advances na ipinalabas niya kay dating Lamut Municipal Mayor Angelito Guinid, subalit karamihan sa mga resibong iprinisinta ng akusado ay mga nakasulat lamang sa papel at sa balutan ng sigarilyo na hindi tinanggap ng provincial auditors.

Ipinaliwanag pa ni Pagaddut na hindi niya sinabi sa prosecutors ang cash advances ni Guinid dahil sa pag-aakalang mababayaran niya ito.

Sa naging pahayag ng Sandiganbayan, na kahit na hindi si Pagaddut ang nabenipisyuhan ng nawawalang pondo, siya pa rin ang may pananagutan sa batas dahil pinagamit niya ito sa iba. (Malou Escudero)

Show comments