Misis dedo sa sakuna, 3 pa sugatan

CAVITE — Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 36-anyos na misis, habang tatlo pa ang sugatan makaraang salpukin ng cargo truck ang sasakyan ng mga biktima habang umaatras sa bahagi ng Aguinaldo highway sa Barangay Zone 4 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang namatay na biktima na si Susan Reyes Fernando 36 ng Greenbreeze Subd., Barangay Langkaan 1 ng bayang nabanggit. Samantalang sugatan naman sina Margie Ecija, 33; Roderick Dolorado, 19; at Antonio Fernando, 47, drayber. Ayon kay SPO1 Isagani Simera, naitala ang sakuna ganap na ala-1:45 ng madaling-araw matapos na salpukin ng trak (TVU-511) ni Roy Mandahay ang umaatras na sasakyang (RDK-236) ni Fernando na nagresulta sa pagkamatay ni Susan. (Cristina Timbang)
Ex-police hinatulan ng life
GUIMBA, Nueva Ecija – Matapos ang 15-taong paglilitis ay hinatulan din ang isang dating pulis ng habambuhay na pagkabilanggo matapos na mapatunayang pumatay sa isang sundalo ng Phil. Army noong Disyembre 19, 1990 sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija. Sa 21-pahinang desisyon ni Judge Napoleon Sta. Romana ng Guimba Regional Trial Court, Branch 31 pinatawan ng kaukulang parusa ang akusadong si Olegario Ledda na responsable sa pagkakapatay kay Ernesto Enrico. Bukod sa ipinataw na reclusion perpetua, pinagbabayad din ng korte si Ledda ng P250,540 bilang moral at civil indemnity sa mga naulila ng biktima. Binalewala ng hukom ang alibi ng akusado, bagkus binigyan ng timbang ang mga testimonya ng saksi. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments