Matandang binata tinodas ng kainuman

Isang 44-anyos na lalaki ang namatay makaraang pukpukin ng tubo sa ulo ng nakaalitan nitong kainuman, kamakalawa ng hapon sa Barangay Bago, General Tinio, Nueva Ecija.

Naliligo sa sariling dugo at agad na binawian ng buhay ang biktimang si Ricardo De Leon, binata at residente ng Barangay Bago, nasabing bayan.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspect na si Constancio Cando, 46-anyos, may-asawa at kapitbahay ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na bago nangyari ang insidente, dakong alas-2:30 ng hapon ay nag-iinuman pa ang supect at biktima sa bahay ng una, ngunit hindi nagtagal ay nakarinig na lamang ang mga kaanak ni Cando ng maingay na argumento ng dalawa.

Nang kanilang lapitan ay huli na ang lahat dahil nakabulagta ang biktima na naliligo sa sarili niyang dugo.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspect at inako nito ang ginawang krimen.

Sa pulisya, ay inamin naman ng suspect na sa gitna ng matinding away nila ng biktima ay kumuha siya ng tubong bakal na siya niyang ipinalo sa ulo ng huli. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments