6 NPA todas, 1 sundalo sugatan sa encounter

CAMP AGUINALDO –Anim na miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasawi samantalang isa namang sundalo ang malubhang nasugatan sa isang madugong sagupaan sa pagitan ng magkabilang panig sa Tineg, Abra, ayon sa ulat kahapon.

Hindi natukoy sa report ang mga pangalan ng mga nasawing rebelde matapos na tangayin ito sa pagtakas ng kanilang mga kasamahan.

Kinilala naman ang nasugatang sundalo sa pangalang Pfc Samson Germono na kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Sa report ni Lt. Col. Angelito de Leon, Commander ng 41st Infantry Battalion (IB) dakong alas-6:50 ng umaga noong Martes nang makasagupa ng kaniyang mga tauhan ang isang grupo ng mga rebelde sa Brgy. Apao sa bayan ng Tineg.

Kasalukuyang nagsasagawa ng combat operation ang mga elemento ng militar sa nasabing lugar ng makasagupa ang grupo ng mga rebelde na pinamumunuan ni Eduardo Molina alyas ‘Ka Ed’.

Ayon sa report, naabutan umano ng mga sundalo sa isang liblib na Sityo ang mga rebelde na nagre-recruit ng mga menor-de-edad para sumapi sa kanilang kilusan.

Ayon sa mga residente isa sa mga anim na nasawi ay isang amasona at napag-alaman pa na malimit magtungo ang rebelde sa kanilang lugar at puwersahan umanong nanghihingi sa kanila.

Tumagal ang sagupaan ng mahigit sa dalawang oras ngunit unang umatras ang mga rebelde nang masawi ang anim na kasamahan ng mga ito.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang duguang backpacks na naglalaman ng mga personal na kagamitan, dalawang ICOM radio at mga subersibong dokumento na pag-aari ng grupo ng mga rebelde.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang militar sa bulubunduking bahagi ng Abra upang tugisin ang mga tumakas na rebelde. (Joy Cantos at Artemio Dumlao)

Show comments