Retiradong pulis nilikida

STO. TOMAS, Batangas – Isang retiradong pulis ang iniulat na pinaslang matapos barilin ng dalawang kalalakihan habang ang biktima ay naghahatid ng kanyang mga anak sa eskuwelahan noong Martes ng umaga sa bayang nabanggit.

Kinilala ni P/Chief Inspector Raul Tacaca, hepe ng pulisya sa bayan ng Sto. Tomas ang biktimang si SPO4 Tomas Lirio, 60, dating nakatalaga sa Batangas PNP provincial office bilang imbestigador at residente ng Barangay Sta. Maria sa bayan ng Sto Tomas, Batangas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naitala ang krimen bandang alas-7 ng umaga, matapos na maihatid ng biktima ang dalawang anak sa eskuwelahan na lulan ng Kia Ceres van na may plakang DPZ-448.

Batay sa mga nakasaksi, pababa na ng sasakyan ang biktima sa harap ng San Pedro National High School sa may Barangay San Pedro nang lapitan ng dalawang hindi kilalang lalaki at barilin ito sa ulo.

Matapos na bumulagta ang biktima ay mabilis namang tumakas ang dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay San Isidro.

Ayon sa source ng PSN, marami umanong nasagasaan ang biktima noong ito ay imbestigador pa ng pulisya at pinaniniwalaang naging mabangis pa noong aktibo pa.

Sinisilip pa rin ng mga tauhan ng pulisya ang ibang anggulong posibleng ugat ng pamamaslang dahil wala naman itong natatanggap na death threats noong nabubuhay pa. (Arnell Ozaeta)

Show comments