Sa pahayag ni PCG commandant Vice Admiral Arthur Gosingan, posibleng madamay din sa kasong isasampa ang mga organizer ng fluvial parade.
Ayon pa kay Gosingan, maiiwasan sana ang naganap na trahedya kung nakipag-ugnayan ang mga organizer sa PCG para mabigyan ng kaukulang tulong sakaling may maganap na aksidente at maayos ang pagpapatakbo ng fluvial parade.
Samantala, inihinto na kahapon ang search and rescue operations ng mga awtoridad dahil sa paniniwalang patay na ang apat na nawawalang biktima kaugnay ng trahedya sa paglubog ng lantsa.
Sinabi ni SPO4 Benjamin Alterado, hepe ng pulisya sa bayan ng San Ricardo, nabigo ang search and rescue team ng pulisya, 5052nd Air Force Wing at Phil Coast Guard na matagpuan ang mga biktimang napaulat na nawawala sa loob ng 24-oras na pagnanahap.
"They are presumed dead already because they havent been found yet. According to the doctor, one can not survive anymore if he or she gets drowned for 15 to 30 minutes," dagdag pa ni Alterado.
Kabilang sa mga biktimang lulan ng lantsang M/B Sunjay sa fluvial parade at napaulat na nawawala ay nakilalang sina Benjie Vistal, 34; Rhea Patricia Vistal, 4; Jerose Galabo, 7; at Jenny Aboylo, 9.
Ayon pa kay Alterado na bagamat ang boat operator na si Efren Sangunza ay maaaring panagutin ay lumilitaw naman sa imbestigasyon na kasalanan ng mga pasahero na nagkumpulan sa isang bahagi ng lantsa ang paglubog nito pagkaraang mawalan ng balanse.
Sasampahan lamang nila ng kaso si Sangunza kung magrereklamo ang pamilya ng mga biktima at maging ang may-ari ng lantsa na si San Ricardo Vice Mayor Fiel Culpa ay malulusutan ang kaukulang kaso na isasampa dahil may walong taon na siyang nagpapahiram ng motorized boat sa tuwing may fluvial parade sa kanilang bayan. (Danilo Garcia at Joy Cantos)