Sa isang phone interview, sinabi ni SPO4 Benjamin Aperado, hepe ng pulisya sa bayan ng San Ricardo, naganap ang insidente sa kalagitnaan ng parada ng Sto. Niño sa pantalan ng nasabing bayan dakong alas-9 ng umaga.
Kabilang sa mga nasawing biktima ay kinilalang sina Jazel May Bacol, 9; Charryl Mel Alia, 4; Isidro Colatra, 4; Raquel Clabara, 3; Annalyn Rodellas, 16; Raymund Anub, 7; May Repoyo, 2; Justino Repoyo, 8; Evangeline Repoyo, 42; Rosalie Gubarchina, 45; John Christian Lim, 4; King Solihon, 7; Christian John Labra, 16; Joy Fe Baliuag, Allan James Almeda, 10; at Lindsay Bonota, 11-anyos.
Nabatid na ang taunang fluvial procession ay kinabibilangan ng lumubog na lantsang nagsisilbing kinalalagyan ng Sto. Niño na sinusundan naman ng 15 bangkang naka-convoy na naglalayag sa karagatang sakop ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Aperado, lumilitaw na nawalan ng balanse ang lantsang M/B Sunjay matapos na magbabaan ang kalahati ng mga pasahero nito at maiwan sa kabilang bahagi ang karamihan.
Napag-alamang nagmamaniobra ang lantsang papunta sa pantalan ng San Ricardo nang aksidente lumubog.
Sa isang iglap, ayon sa opisyal ay tuluyang nilamon ng tubig ang lantsa kung saan ay pawang nalunod ang mga nasawing biktima.
Nagawa namang mailigtas nang nagrespondeng rescue team ang iba pa sa mga sakay ng lantsa, subalit nabigong maisalba pa ang mga biktima dahilan sa bilis ng pangyayari.
May 400-katao ang nasa bisinidad ng fluvial parade, pero aabot lang sa100-katao ang sakay ng lantsang lumubog habang ang iba pa ay sakay naman ng ibang bangka.
Iniulat pa na may 30-katao rin ang isinugod sa pagamutan matapos ang naganap na trahedya.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Aperado na patuloy ang kanilang search operation sa tatlo pang nawawalang biktima.