Mga testigo sa P3-M anomalya sa SBMA, sinusuhulan

SUBIC BAY FREEPORT – Pinaniniwalaang ginagapang na ng mga tiwaling opisyal ng Freeport Services Corporation (FSC) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mga saksi sa nabunyag na anomalya ng P3-milyon sa Subic Night Bazaar project scam.

Ito ang napag-alaman ng PSN matapos matuklasan ang ginagawang panunuhol sa mga taga-Management Control and Services Department (MCSD) ng Freeport Services Corp. na nag-iimbestiga sa sumingaw na pagnanakaw ng milyong pisong pondo ng gobyerno ng mga corrupt officials ng General Services Department (GSD) partikular ang Office of the President ng Freeport Services Corporation.

Ayon sa source, sinusuhulan ng P50, 000 bawat isa ang MCSD upang itigil na ang gagawing pagbusisi at binantaang huwag magsalita sa media kaugnay sa nabuking na katiwalian.

Napag-alaman pa na maging ang bayad sa nirentahang lote ng bigtime gambling lord ng Angeles City, Pampanga na si Rick Quiros na pinagtayuan ng kanyang illegal na operasyon ng pasugalan sa FSC compound na nagkakahalaga ng P1.7-milyon ang hindi rin naipasok sa pondo ng gobyerno bukod pa rito ang ibinigay na P3-milyon bilang suhol sa mga tiwaling opisyal ng FSC at SBMA.

Ang ginawang hakbang na panunuhol ng mga sangkot na opisyal ng FSC ay isinagawa ilang araw matapos mabunyag at mailathala sa pahayagang ito ang sumingaw na anomalyang P3-milyon pondo ng gobyerno. (Jeff Tombado)

Show comments