Kabilang sa napaslang na biktima ay sina Jimson Vergara, 17; Arnold Munecia, 33; John Andrew Belen, 22; at Blas Melvin Dequina, 15, na pawang naninirahan sa Miraflor Subdivision sa nabanggit na barangay.
Kasalukuyan naman ginagamot sa San Pablo Medical Hospital ang mga sugatang biktimang sina Joey Belen, 21; at Aldwin Villaruel, 20.
Sa imbestigasyon na isinumite kay P/Senior Supt. Federico Terte, Laguna provincial director, bandang alas-12:30 ng madaling-araw, nang huminto sa tapat ng bahay ng isa sa mga biktima ang kulay puting Toyota Corolla na lulan ang limang kalalakihan at isinagawa ang pamamaslang.
Base sa naging pahayag ni P/Chief Supt. Jesus Versoza, Region 4-A (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) police director, posibleng away ng barkadahan o kaya fraternity war ang pinag-ugatan ng krimen.
Napag-alaman, na ang mga biktima ay pawang angkan ng mayayamang pamilya sa San Pablo City na posibleng naka-bangga ng isa ring grupo ng kabataan, ayon sa imbestigasyon.
Ayon sa impormasyong nakalap ng pulisya, kagagaling lang sa Coco Festival ang mga biktima sa town proper ng San Pablo City na kung saan doon nila posibleng naka-enkwentro ang isa pang grupo bago sila sinundan at pagbabarilin sa loob ng subdivision.
Samantala, nagbuo na ng Special Investigation Task Group sa pangunguna ni P/Supt. Elmo Sarona, police chief ng San Pablo City, kasama rin sina P/Chief Inspector Joseph Nartatez, hepe ng Laguna PNP Intelligence and Investigations Division at P/Supt. Henry Daaca, hepe ng Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) sa Laguna para tugisin ang mga armadong kalalakihan na responsable sa krimen.
Nakarekober sa crime scene ang anim na slugs at walong basyo ng .45-caliber pistol at 15 basyo ng 9-millimeter revolver. (Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)