Base sa salaysay ng source ng PSN, aabot sa P.2-milyon ang kinita ng Subic Night Bazaar project na hindi naipasok sa kaban ng gobyerno at direktang napunta sa bulsa ng mga kasabwat na empleyado at opisyal ng FSC partikular sa General Services Department (GSD) at Office of the President.
Nabatid na nagsagawa nang imbestigasyon at auditing ang department head ng Management Control and Services Department (MCSD) ng FSC na si Gary Gayatin at kaagad na nirekomenda kay Human Resources Management Department (HRMD) head Edilberto Papera upang siyasatin ang natuklasang anomalya.
Subalit hindi pa man nauumpisahan ang pagbusisi sa nabunyag na Subic Night Bazaar scam sa SBMA ay kaagad na tinanggal sa puwesto si Gayatin at inilipat sa Promo and Marketing Department, samantalang isinailalim naman si Papera sa preventive suspension ng 30-araw.
Napag-alaman na ang pagsuspinde at paglipat sa puwesto nina Papera at Gayatin ay pirmado at may "clearance" mula kay SBMA Sr. Deputy for Administration at Anti-Smuggling Task Force (ASTF) chief ret. Lt. Gen. Jose Calimlim na siya rin ang presidente ng Freeport Services Corporation.
Nabatid pa ayon sa impormante na ang itinalaga ni Calimlim bilang department manager ng General Services Department (GSD) ay ang bayaw nito na nagngangalang "Engineer Lim" na siya namang nangangasiwa sa pamamalakad ng Subic Night Bazaar project.
Kasabay nito ay nabunyag din ang paglabas ng FSC management ng P2.6-milyon pondo na ginamit sa pagpapaayos ng All-hands at Dungaree Beach sa Cubi Point, subalit pawang mga canteen at kubo lamang ang isinailalim sa renovation na umaabot lamang sa P.3-milyon ang ginastos. (Jeff Tombado)