Idineklarang patay sa Polymedic Hospital and Trauma Center sa Villasis, Pangasinan ang biktimang si Emmanuel Villasis, chief cook sa isang kilalang restaurant at residente ng San Manuel, Pangasinan.
Ginagamot naman sa nabanggit na ospital ang mga nasugatang biktima na sina Alfredo Dacanay, 62, na tinamaan ng bala sa dibdib at batok at ang konduktor ng bus na si Danilo Manzano, 36, na nagtamo naman ng tama ng bala sa kanang hita.
Napag-alamang bumabagtas sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Cariño sa bayan ng Paniqui, Tarlac ang Dominion Bus Liner (AVK 829) na minamaneho ni Gilbert Almogela nang biglang magdeklara ng holdap ang anim na armadong kalalakihan.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na ang bus ay mula sa Cubao, Quezon City at pagsapit sa Dau, Mabalacat, Pampanga ay sumakay ang limang holdaper na nagpanggap na pasahero at pagsapit naman sa bahagi ng Barangay San Miguel, Tarlac ay sumakay ang isa pang kasamahan ng limang kalalakihan.
Ilang saglit pa ay nagdeklara ng holdap ang grupo ng kalalakihan, subalit nanlaban si Villasis kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay at hindi pa nakuntento ay idinamay pa ang kundoktor.
Kinuha ng mga holdaper ang wallet, celfone at mga alahas ng 39 pasahero ng bus kung saan isa sa mga holdaper ang nagmaneho ng sasakyan at pagsapit sa Barangay Culabot ay mabilis na nagsibaba at tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon