Ret. Army Lt., 1 pa arestado sa swindling

IBA, ZAMBALES – Dalawa katao kabilang ang isang retiradong Army Luietenant ang nasakote ng pinagsamang elemento ng Iba PNP at mga tauhan ng Zambales Provincial Police Office (ZPDO) makaraang ireklamo ng panloloko ng mga residente dito, ayon sa report na nakalap sa PNP-Camp Conrado Yap kahapon.

Nabatid kay Sr. Supt. Edgardo Ladao, Zambales PNP Provincial Director, ang mga naaresto sa umano’y aktong nangdarambong ay sina Retired Army Lt. Charlie Briol Danao, 61, at Benigno Romero Vera, 75, mga residente ng Soldier’s Hill, Muntinlupa.

Ang isa pang suspek na si Arnulfo Alas ay naka-eskapo at siyang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad.

Ang modus operandi umano ng grupo ay ang magbahay-bahay, at kumbinsihin ang kanilang bibiktimahin na bumili ng ticket na nagkaka-halaga ng P2,000-P4,000 pagkatapos ng kanilang pagpapakilala na sila ay mga kasapi sa Police Tri-Centerfold Foundation, isang asosasyon umano ng mga kapulisan sa buong Pilipinas.

Isa sa kanilang biktimang si Wilfredo de Vera ng Barangay Zone II, Iba, Zambales, ang palihim umanong sumalisi at nagtanong-tanong sa isang police outpost tungkol sa kredibilidad ng grupo at upang beripikahin kung tunay o peke ang ticket na inaalok sa kanya.

Kaagad naman na pinasubay-bayan ni Ladao ang aktibidades ng mga grupo at natiyak na ang mga ito ay peke at walang koordinasyon sa pagbebenta ng mga ticket. Wala rin silang pahintulot mula sa organisasyon ng mga pulisya na mag-alok ng mga naturang palsipikadong bagay na ginagamit ang pamunuan ng PNP.

Agad naman ipinaaresto ni Ladao ang mga suspek at sinampahan ng kasong swindling at usurption of authority, sa Provincial Prosecutor’s Office, sa bayan ng Iba. (Fred Lovino)

Show comments