Barangay tanod dinedo ng kabaro

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City — Pinagpapalo ng tubo hanggang sa mapatay ang isang 42-anyos na barangay tanod ng kanyang kabaro makaraang mag-amok sa bahagi ng Barangay Guinhadap sa bayan ng Monreal, Masbate kahapon ng madaling-araw.

Gulpi-sarado ang nasawing biktimang si Manuel Almosora Jr., may asawa, isang barangay tanod, at residente ng nabanggit na barangay.

Kaagad naman sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Rolando Sabuezo, 43, may asawa, isa ring barangay tanod ng naturang lugar.

Naitala ang pagwawala ng biktima dakong ala-una ng madaling-araw matapos na malango sa alak.

Napag-alamang pinapayapa ang biktimang nag-aamok, subalit tinangkang saksakin ang misis ng kanilang barangay chairman at nang makatakbo ay binalingan naman si Barangay Kagawad Eleanor Ramos.

Tinangka naman saksakin ng biktima ang suspek, subalit pinagpapalo na ito ng tubo hanggang sa duguang bumulagta.

Wala namang malinaw na motibo ang biktima para saktan ang ilang residente na pinaniniwalaang sinapian ng espiritu ng alak. (Ed Casulla)

Show comments