Base sa impormasyong nakalap mula sa isa sa mga abogado na si Atty. Minerva Ambrocio, hindi na lumutang sa tinutuluyang bahay sa Duhat St., Caloocan City si Soriano na pinaniniwalaang nag-absence without leave (AWOL) sa kanyang pinapasukang kumpanya na Starways Travel and Tours sa Makati City.
Ang pagkawala ni Soriano ay naganap ilang araw bago ipalabas ang resolusyon ng Olongapo City Prosecutors Office sa kasong kinasasangkutan nito kabilang ang apat na Amerikanong sundalo na kinabibilangan nina US Marine L/Cpls. Keith Silkwood, Dominic Duplantis, Chad Brian Carpentier at Daniel Smith.
Ang mga akusadong sundalong kano at Soriano ay isinangkot sa kasong rape laban sa isang 22-anyos na Pinay noong Nobyembre 1, 2005 sa Freeport Zone at ngayon ay nasa Olongapo City Regional Trial Court matapos isampa ang kaso ni City State Prosecutor Prudencio T. Jalandoni.
Napag-alamang si Soriano ay itinatago ng isang maimpluwensiyang politiko.
Kasabay nito, hihilingin ng mga abogado ng biktima sa Olongapo City Prosecutors Office at sa Department of Justice (DoJ) na bumuo ng isang pangkat ang mga awtoridad upang hanapin si Soriano bago pa man maumpisahan ang pagdinig sa kaso sa Enero 2006. (Jeff Tombado)