5-anyos kinidnap

Camp Crame – Isang 5- anyos na batang babae na anak ng isang mayamang negosyanteng babae ang kinidnap ng dalawang hindi pa nakilalang armadong lalaki sa naganap na insidente sa Cebu City, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktima ay nakilalang si Shaina Salvador, residente ng 2nd St., Felina Village, Brgy. Tisa ng nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, bandang alas -9:50 ng umaga habang ang biktima ay masayang naglalaro sa loob ng kanilang bakuran kasama ang kaniyang mga kaibigan nang biglang sumulpot ang mga kidnaper at sunggaban ito.

Ang biktima na puwersahang isinakay sa kanilang behikulo na isang kotseng Toyota na may plakang GBC -712 na mabilis na pinasibad patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Sa follow-up investigation na isinagawa ng Cebu City Police ay pinawi ng mga ito ang anggulo ng kidnap-for-ransom sa pagdukot sa biktima habang iniimbestigahan ang malaking posibilidad na ang sariling ama ng bata ang kumidnap dito.

Nabatid na ang ina ng bata ay hiwalay sa ama nito na pinaghahanap ng mga awtoridad upang malinawan ang kasong ito. (Joy Cantos)

Show comments