Sa ulat na tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) Subic sa pamumuno ni L/Cmdr. Felipe Macababad, kinilala ang nasagip na mga mangingisdang sina Sison Campana, Leonardo Cabrera, Junjun Bais, Jhabar Talatagon, Boyak Mahilum at ang boat captain na si Sullary Campana na pawang naninirahan sa Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Napag-alamang naglayag ang anim na mangingisda noong Nobyembre 23, 2005 lulan ng FB Carmen-3, subalit hindi na nakabalik pa matapos na masiraan ng makina.
Sa loob ng 25-araw na palutang-lutang sa gitna ng dagat ay naubusan ng pagkain at tubig ang mga mangingisda hanggang sa maispatan ng isang Taiwanese fishing vessel na FB Teresita at tuluyang nasagip ng mga Taiwanese fishermen.
Kaagad na dinala ng mga banyagang mangingisda sa PCG-Subic detachment malapit sa Wawandue Fish Port kung saan isinailalim sa medical check-up.
Mapayapa namang nakabalik ang anim na mangingisda sa kani-kanilang pamilya.
Nagbigay naman ng suporta at tulong pinansyal ang may-ari ng Taiwanese fishing boat na si Teresita Lai-Lai sa nasagip na mga mangingisda.
Maging ang kanilang pamilya ay inalok na magtrabaho sa kanyang fishing industry na pag-aari ni Lai-Lai sa bayan ng Subic, Zambales. (Jeff Tombado)