Hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang biktimang si Mark Anthony Loria, 23, binata, at residente ng Doña Maria Subdivision sa Barangay Tagas, Daraga, Albay.
Samantala, ginagamot sa nabanggit na ospital ang sugatang kaibigan ng biktima na nakilalang si James Nomo, 24, binata, at naninirahan sa Barangay De La Paz ng nabanggit ding bayan.
Base sa ulat na nakarating kahapon kay P/Supt. Narciso Guarin, hepe ng pulisya sa Legazpi City, naitala ang krimen ganap na alas-7:45 ng gabi habang ang magkaibigan ay nagkakarga ng mga paninda sa Nissan Terrano na nakaparada sa harapan ng kanilang tindahan.
Sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw at duguang bumulagta ang magkaibigan at bago tuluyang tumakas ng killer na lulan ng motorsiklo ay tinangay pa ang bag na naglalamam ng Acer laptop
Nabatid na pinagtangkaan na ang buhay ni Mark nitong nakalipas na buwan, subalit hindi na ipinaabot sa kinauukulan.
Napag-alaman din na unang pinaslang ang makatatandang utol ni Mark na si Dennis noong Oktubre 8, 2005 sa bahagi ng Barangay Tagas ng nabanggit na bayan.
May teorya ang mga awtoridad na isa sa motibo kaya pinaslang si Mark dahil masusi niyang inaalam ang pagkikilanlan ng pumatay sa kanyang utol. (Ed Casulla)