Lantsa pinasabog: 3 kritikal

CAMP CRAME – Tatlo katao kabilang ang isang 10-anyos na batang lalaki ang malubhang nasugatan matapos na sumabog ang isang itinanim na bomba sa loob ng sinasakyan nilang lantsa kamakalawa sa Tawi-Tawi.

Kinilala ang mga biktima na sina Abdul Kahit, 58; Kadafil Wahab, 25, at batang si Abuskin Abdul na pawang nilalapatan ng lunas sa Datu Halum Hospital bunga ng mga tama ng shrapnels sa katawan.

Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-7:30 ng gabi sa Chinese Pier, Bangao, nasabing lalawigan.

Nakasakay ang tatlong biktima at ilang mga pasahero sa lantsa na M/L Aldin na kasalukuyan pang nakadaong sa nasabing pantalan.

Bigla na lamang nakarinig nang malakas na pagsabog ang mga pasahero sa loob ng naturang sasakyang pandagat na ikinasugat ng tatlong biktitma.

Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga elemento ng Phillipine Marines-Explosive Ordnance Division (EOD), dalawang kawani ng Philippine Air Force (PAF) at SOCO team ng Tawi-Tawi Provincial Police Office kung saan nasamsam ang mga shrapnels ng fragmentation grenade.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa kung sino ang responsable sa pagtatanim ng bomba sa nasabing lantsa. (Angie dela Cruz)

Show comments