Dalaga nang-isnab ng suitor, tinarakan ng balisong

CAVITE – Isang saksak sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang 24-anyos na dalaga makaraang saksakin ng kanyang manliligaw nang isnabin nito sa loob ng isang videoke bar kahapon ng madaling-araw sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Chief Insp. Rommel Marbil hepe rito kinilala ang biktima na si Karen Hernandez, 24, residente ng Brgy. Zapote 5 Longos ng bayang ito.

Agad din namang naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya na nakilalang si Noli Malonzo, 22, binata, obrero, tubong Camarines Norte at pansamantalang naninirahan sa Longos ng bayan ding ito.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Dante Chan Ordoño, may hawak ng kaso, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng Julibhee videoke bar sa Brgy. Longos, Zapote 5, nasabing bayan.

Nakatambay umano ang biktima sa bar nang lapitan ng suspek at batiin, subalit hindi ito pinansin ng biktima.

Dahil sa matinding pagkapahiya, napikon ang suspek at agad na sinundan ang biktima bago sinaksak sa dibdib ng dala nitong balisong na ikinagitla ng iba pang nasa loob ng bar. (Cristina Go Timbang)

Show comments