Binata ‘binigti’ ng mga kainuman

CAVITE — Pinaniniwalaang pinahirapan muna bago binigti hanggang sa mamatay ang isang 24-anyos na binata ng tatlo nitong kainuman ng alak sa bahagi ng Bahayang Pag-asa sa Barangay Molino 5, Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi.

Ang biktimang natagpuang nakaluhod pero nakabitin at maraming sugat sa mukha ay nakilalang si Purfirio Edaño Patricio, samantala, ang mga suspek na ngayon ay nakapiit at pormal na kinasuhan ay kinilalang sina Purtilio Dagano Cubacala, 45; Fiel Pedroza, 25 at Wilmegildo Radones Del Pilar.

Ayon kay SPO1 Dante Chan Ordoño, huling namataan ang biktima na nakikipag-inuman ng alak sa mga suspek. Itinanggi naman ng mga suspek ang nasabing akusasyon. (Cristina Timbang)
Biruan nauwi sa patayan
PAMPANGA – May posibilidad na nagkapikunan sa biruan kaya sinaksak at napatay ang isang 32-anyos na obrero ng kanyang kabaro sa Barangay Dau, Mabalacat, Pampanga kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa tiyan at binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Allan B. delos Santos, samantalang nakapiit naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Arbe Nable, 19, kasamahan ng biktima sa construction firm sa nabanggit na bayan.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ng alak sina Delos Santos, Nable at ilang kaibigan nang magbiro ang biktima. Napag-alamang lango na sa alak nang mapikon ang suspek sa tinuran ng biktima kaya naganap ang krimen. (Resty Salvador)
Magsasaka inakalang NPA, tinodas
BUENAVISTA, Quezon — Inakalang rebeldeng New People’s Army (NPA) kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 29-anyos na magsasaka na may bitbit na airgun ng mga kasapi ng Cafgu, kamakalawa ng umaga sa bahagi ng Barangay San Isidro, Ilaya sa bayan ng Buenavista, Quezon.

Ang biktimang napuruhan sa tiyan at ulo ng bala ng M14 at M16 ay nakilalang si Rolando Occiano. Samantala, ang mga suspek na bumaril sa biktima ay pangkat ng Gafgu sa ilalim ng 74th Infantry Battalion ng Phil. Army sa pamumuno ni S/Sgt. Jonathan Rivera.

Napag-alamang naglalakad ang biktima kasama ang kanyang kapatid na si Sonny Boy patungo sa eskuwelahan nang mamataan ng mga suspek.

Hindi na kinuwestiyon ng mga suspek na CAFGU ang biktima at kaagad na niratrat hanggang sa duguang bumulagta.

Wala namang nagawa ang utol ng biktima kundi ang umiyak dahil sa nasaksihan nito ang krimen. (Tony Sandoval)

Show comments