Kinilala ang mag-asawang natodas na sina Democrito Pelayo, 58 at Angeles, 44, na kapwa nagkadurug-durog ang katawan sa bigat ng malaking tipak ng batong gumuho.
Ayon sa pulisya, abalang-abala ang mag-asawa sa pagtitibag sa batuhang bundok para kumuha ng limestone na ibinebenta ng mga ito sa halagang P5 kada sako sa kabayanan nang maganap ang trahedya.
Base pa sa ulat ni SPO3 Anecito Manloloyo ng Tabogon Police Station, bago maganap ang trahedya ay binalaan na ng kanilang mga kapitbahay ang mag-asawa na mag-ingat sa pagtitibag sa batuhang bundok dahil may bitak na ito at posibleng magdulot ng panganib.
Binalewala naman ng mag-asawa ang babala ng mga kapitbahay at nagpatuloy sa pagtitibag hanggang sa tuluyang sumalakay si kamatayan.
Napag-alamang may 11-anak ang mag-asawa na may edad na 2 hanggang 20-anyos.
Kaugnay nito, nagbigay na ng pinansiyal na tulong ang lokal na pamahalaan para maipalibing ang mag-asawa na ang pagtitibag ng bato ang pangunahing ikinabubuhay. (Joy Cantos)