Trader dinedo ng akyat-bahay
December 8, 2005 | 12:00am
PAMPANGA Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 46-anyos na may-ari ng grocery ng dalawang kasapi ng Akyat-Bahay Gang makaraang pasukin ang bahay ng biktima sa Barangay Bahay Pares sa bayan ng Candaba, Pampanga kamakalawa ng hapon. Labing-apat na saksak ang tumapos sa buhay ng biktimang si Orlando Musngi, habang iginapos naman ang misis nitong si Emily. Sa ulat ni P/Chief Insp. Jovencio Flores, hepe ng pulisya sa bayan ng Candaba, nakapasok ang mga suspek sa bahay ng mag-asawang trader matapos na wasakin ang rehas na bintana sa likurang bahagi ng bahay. Nilimas ng mga kawatan ang hindi nabatid na halaga at ilang personal na gamit ng mag-asawa. (Resty Salvador)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 48-anyos na tauhan ng pulisya ang kumpirmadong nasawi makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army habang sakay ng motorsiklo ang biktima at bumabagtas sa kahabaan ng national road na sakop ng Sitio Alonzo, Barangay Cabitan sa bayan ng Mandaon, Masbate. Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni SPO1 Liberty Marin na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayang nabanggit. Batay sa ulat na nakarating kay P/Chief Supt. Victor Boco, provincial director, naitala ang pananambang dakong alas-8 ng umaga habang patungo sa pinapasukang presinto ang biktima. Tinangay ng mga rebelde ang service firearm ng biktima bago tumahak sa direksyon ng Barangay Bogtong. (Ed Casulla)
BATAAN Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 23-anyos na binata, habang dalawa nitong kasamahan ang nasa kritikal na kondisyon makaraang sumalpok ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima sa likurang bahagi sa Roman Highway na sakop ng Barangay Townsite sa bayan ng Mariveles, Bataan kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Joel Rioquero ng Barangay Cabcaben. Inoobserbahan naman sa James Gordon Hospital ang mag-utol na sina Romnick at Riomer Barrioquinto. Naitala ng pulisya ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon matapos na tumigil ang trak (CWH-580) ni Danilo Aguilar na nagkataon namang kasunod ang motorsiklo ng mga biktima. Dahil sa biglang preno ng trak ay sumalpok ang motorsiklo kaya tumilapon ang mga biktima. Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng trak na si Aguilar na kawani ng Capitol Allied Trading ng San Simon, Pampanga. (Jonie Capalaran)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended