Sa ulat ni P/Chief Insp. Rommel Marbil, kinilala ang biktima na si Quirico Miralo y Valera, may-asawa at chairman ng Homeland Security Network sa ilalim ni Mayor Jessie B. Castillo.
Itinuro namang suspek sa krimen sina Roger Alayaon at Romy De La Rosa na kapwa barangay tanod na pinaniniwalaang tauhan ni Barangay Chairman Lorenzo Gawaran.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Ernesto Caparas naganap ang pamamaslang dakong alas-8:30 ng umaga matapos harangin at pagbabarilin ang biktima sa tapat ng chapel.
Napag-alaman na ang biktima ay namumuno sa pag-sasaayos ng usapin sa lupa sa nabanggit na barangay na posibleng may kaugnayan sa krimen.
Ayon sa ulat, hindi rin inaalis ang anggulong may kinalaman sa krimen ang ginawang pagsasampa ng kaso ng biktima sa DILG laban sa nabanggit na barangay chairman may dalawang buwan na ang nakalipas.
Nabatid sa mga opisyal ng nasabing security network, may mga pagbabanta sa buhay ng biktima bago maganap ang krimen.
Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi naman makontak si Barangay Chairman Gawaran upang makuha ang panig nito sa naganap na krimen. (Lolit Yamsuan at Cristina Timbang)