Kinilala ang mga suspek na sina PO3 Simeon Salazar, PO2 Eulogio Catallo, PO1s Ray Apuya, Enrique Asaaud at dating P/Insp. Jesus De Guzman, pawang mga miyembro ng SAF na nakatalaga sa Anti-Optical Medical Piracy Task Force ng Optical Medical Board (OMB).
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Antipolo detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso matapos maaresto sa entrapment operation nang ireklamo ng biktimang si Felix Sotto Jr., 46.
Ayon kay Supt. Primitivo Tabujara, hepe ng Antipolo police, naaresto ang mga suspek dakong ala-1:30 ng hapon sa harap ng bahay ng biktima habang kinukuha ang P320,000 marked money sa pulisya.
Nauna dito, pinasok ng mga suspek ang bahay ng biktima na matatagpuan sa Sitio Llanghaya, Brgy. Dela Paz ng lungsod na ito noong Nobyembre 25 sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Antonio Eugenio ng Manila Regional Trial Court dahil sa paggawa ng mga pekeng VCDs at DVDs kung saan nakuha sa nasabing bahay ang apat na pirasong fake label.
Subalit imbes na dalhin sa tanggapan ng OMB si Sotto ay hiningan ng P400,000 ng mga suspek upang hindi isampa ang kaso.
Nagbigay naman ng paunang bayad na P80,000 si Sotto at sinabing ibibigay ang kakulangan sa Disyembre 5 ng hapon, subalit kinuha pa ng mga suspek ang Toyota Revo ng biktima upang masiguro na ibibigay ang kakulangan.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay humingi ng tulong ang biktima kay Tabujara na siya namang nagsagawa ng entrapment operation. (Edwin Balasa)