Intel officer ng pulisya inambus, patay
December 2, 2005 | 12:00am
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang intelligence officer ng pulisya ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army sa panulukan ng Greenland Avenue at Meliton Street sa Doña Clara Village, Barangay Concepcion Pequena , Naga City kahapon ng umaga. Duguang iniwan sa lansangan ang biktimang si SPO3 Casiano Parumog ng Naga City PNP station. Ayon kay P/Chief Supt. Victor Boco, provincial director, naitala ang pamamaslang dakong alas-9 ng umaga habang lulan ng motorsiklo ang biktima patungo sa himpilan ng pulisya. Tinangay pa ng mga nagsitakas na rebelde ng baril at celfon ng biktima. Hindi naman inabutan ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek na pinaniniwalaang may kaugnayan sa patuloy na paghahasik ng karahasan ng NPA. (Ed Casulla)
COTABATO Niyanig ng malakas na lindol kahapon ang ilang bayan sa Mindanao, subalit wala namang nasawi at nawasak na ari-arian, ayon sa ulat ng Phil. Institute of Volcanology and Seismology (Phivols). Ayon sa ulat, ang lindol na may lakas na 5.7 sa Richter Scale ay naramdaman dakong alas-12:53 ng madaling-araw sa Cotabato at Pagadian City at maging sa bayan ng Palimbang at Takurong sa Mindanao. Naramdaman din ang lindol sa General Santos City na lakas na 3 sa Richter Scale. Hindi naman nabahala ang mga residente sa Cotabato City, bagkus nagising sa sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril na pinawalan sa ere sa paniniwala ng karamihan na maitataboy ang lindol sa ingay ng baril. Sinabi ni Reiner Amilbahar, seismologist na wala naman naapektuhang gusali at maging ang ulat na magkakaroon ng tsunami, subalit nababahala siyang may masugatan sa mga ligaw na bala ng baril na bumulusok mula sa ere. (AFP at Felix delos Santos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest