Sa isinagawang press conference, sinabi ni Region 4 Police Chief Superintendent Jesus Versoza na bumuo na ng apat na "trackers" hanggang Mindanao para masakote ang mag-utol na suspek na sina Buboy at Jalal Saidali na itinuturo ng dalawa sa anim na saksi sa krimen na siyang bumaril kay Ramos sa harap ng Pinkys Market sa Barangay Banlic, Cabuyao, Laguna noong Nobyembre 20 bandang alas-7:30 ng gabi.
Ayon pa kay Versoza, ang mag-utol na Saidali ay mga negosyanteng Muslim na nagbebenta ng mga pekeng CDs at VCDs sa buong lalawigan ng Laguna.
Napag-alamang nagalit ang mga negosyanteng Muslim kay Ramos matapos paghinalaan itong nagsumbong sa Optical Media Board (OMB) para salakayin ang nabanggit na palengke noong November 16, 2005.
Ayon sa Task Force Ramos, nakipagtalo pa si Ramos sa isang Muslim trader isang araw bago magsagawa ng raid ang OMB sa naturang lugar.
Batay sa salaysay ng isang saksi, naringgan pa nito na sinasabi ng isang trader kay Ramos na "kaya kami ni-raid ay dahil sayo."
Noong November 16, nagsagawa ng raid ang OMB sa halos lahat ng palengke sa Cabuyao at nakakumpiska ng aabot sa P4-milyong piniratang materyales ng CDs, VCDs at DVDs.
Dahil sa paniniwala ng mga negosyanteng Muslim na si Ramos ang may pakana ng insidente ay pinatahimik ng mag-utol na suspek.
Inamin din ni P/Supt. Gil Blando Lebin , CIDG Region 4 officer na mabilis na nagtungong Mindanao ang magkapatid matapos likidahin si Ramos.
Samantala, ang mag-utol na suspek na positibong kinilala ng mga testigo ay ipinagharap na ng kasong murder sa Laguna Provincial Prosecutors Office sa Sta. Cruz, Laguna sa ilalim ni Prosecutor George Dee. (Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)