Kinilala ni P/Chief Superintendent Delfin Genio, region 4-B police director ang mga nasawing biktima na sina Angelita Valenzuela, 35; Harold Advincula, 6 at John Mark Advincula, 3, na mga residente ng nabanggit na barangay.
Sugatan naman sina Rodel Advincula, 32 at Maria Fe Dangeros, 20, na kasalukuyang nagpapagamot sa Asilo Medical Clinic.
Sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng umaga nang mag-deliver ang isang trak na may lamang saku-sakong sodium nitrate, C-4 boosters at blasting caps sa bahay ng isang Ramon Valenzuela, isang negosyante na pinaniniwalaang sangkot sa illegal fishing.
Bandang alas-6:30 ng gabi habang tinatanggap ng asawa ni Ramon na si Angelita ang mga delivery items nang aksidenteng bumagsak ang isang kahon ng blasting caps na lumikha ng isang malakas na pagsabog na ikinamatay kaagad ni Angelita at ng dalawa pa nitong pamangkin.
Ayon sa mga imbestigador, ang mga kemikal ay ginagamit sa paggawa ng mga dinamita para sa illegal na pangingisda na kadalasay ginagawa sa karagatan ng Mindoro at Palawan.
Si Ramon, na wala noong nangyari ang insidente ay inaresto ng mga awtoridad at sinampahan ng kasong pag-iingat ng illegal na kemikal.
Narekober sa bahay ni Ramon ang 58 sako ng sodium nitrate,1,000 piraso ng blasting caps at tatlong steel container ng C-4 boosters na ginagamit sa illegal na pangingisda. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Ed Amoroso)