Sa ulat ni P/Senior Supt. Benjardi Mantele, Cavite provincial director, kabilang sa mga nasawing biktima ay sina Edwin Barnes, 50; asawang Virginia, 50; mga anak na Angelo, 16; Gelli, 12; Niña Pilapil, 23; Cl , 17 at Shay, 15 na pawang residente ng Block 22 Lot 19 Camia Street sa Villa Primarosa Subdivision sa nabanggit na barangay.
Ayon kay Mantele, ang insidente ay naganap sa bahay na duplex na tinitirhan ng mga biktima sa nasabing bayan dakong alas- 6:30 ng umaga.
Napag-alamang bago kumalat ang apoy sa nasabing bahay ay nakarinig ang mga kapitbahay ng pamilya Barnes ng malakas na pagsabog na pinaniniwalaang mula sa nag-leak na tangke ng liquified petroleum gas (LPG).
Ayon pa sa ulat, ang sunog na bangkay ni Virginia ay natagpuan sa kusina na pinaniniwalaang nagluluto nang sumabog ang nasabing tangke ng LPG.
Samantala ang iba pang biktima na halos matusta ang katawan ay nasa ikalawang palapag sa magkakahiwalay na kuwarto.
Nabigo namang mailigtas ng mga kapitbahay ang mga biktima na nagkataong mahimbing na natutulog dahil sinamantalang walang pasok kahapon.
Lumilitaw na ang sunog ay nagmula sa ibabang bahagi sa bandang kusina na kumalat ang apoy at tuluyang tumupok sa nasabing duplex.
Nabatid pa na walang fire exit ang nasabing duplex na posibleng nagising dahil sa init at walang malabasan ang mga biktima. (Cristina Timbang at Lolit Yamsuan, may dagdag ulat nina Joy Cantos at Arnell Ozaeta)