Napag-alaman na ang nasabing halaga na tinangay ng mga holdaper ay kabilang ang halaga na nakatakdang ibigay sana sa mga guro na nagtuturo sa Bambang West Elementary School sa bayan ng Bambang partikular na ang kanilang sahod sa buwan ng Nobyembre maging ang kanilang clothing allowance.
Sa imbestigasyon ni PO3 Alfonso Dulay, nakilala ang biktimang may dala ng nasabing halaga na si Consolacion Callang, district supervisor ng Bambang Elementary School na inatasang maghahatid sana ng nasabing halaga sa mga guro ng nabanggit na paaralan.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, sakay ng pampasaherong jeep ang biktima nang biglang magdeklara ng holdap ang mga suspek na nagpanggap na pasahero at mabilis na tinangay ang nasabing halaga kabilang na ang iba pang mga mamahaling gamit ng mga pasahero tulad ng cell phone at mga alahas.
Matapos holdapin ng mga suspek ang mga pasahero at makuha ang mga pera at alahas ay tinutukan ng baril ang drayber ng jeep na nakilalang si Jerry Saguday na itabi ang sasakyan, pinababa lahat ang mga pasahero kabilang na si Saguday at kinumander ang nasabing sasakyan.
Sa kasalukuyan ay tinutugis pa ng mga pulis ang posibleng kinaroroonan ng mga suspek habang halos masiraan naman ng loob ang mga guro nang malaman na nawala ang kanilang inaasahang pera para sa nalalapit na Pasko. (Victor Martin)