PAMPANGA Tinambangan at napatay ang isang liason officer ng Pampanga Electric Cooperative 2 (PELCO) ng dalawang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nagmamaneho ng owner-type jeep sa kahabaan ng lansangang sakop ng Barangay Mabigal, Floridablanca, Pampanga kamakalawa ng umaga. Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Rommel "Carlo" Arcilla ng Barangay San Jose.
Ayon kay P/Chief Insp. Samuel Sevilla, hepe ng pulisya sa bayan ng Floridablanca, kasama ng biktima ang kanyang asawat anak sa dyip nang dikitan ng motorsiklo na may lulang dalawang maskaradong lalaki saka isinagawa ang pamamaslang. Napag-alamang si Arcilla ay dating community organizer ng makakaliwang kilusan bago nagbalik-loob sa pamahalaan.
(Resty Salvador) OLONGAPO CITY Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) at Barangay Safety and Public Order (BSPO) ang isang notoryus na tulak ng bawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Calapandayan, Subic, Zambales kamakalawa ng gabi, ayon sa pahayag ni Barangay Chairman Ruel Sarmiento.
Kalaboso ang kinasadlakan ng suspek na si Rowe "Ghandi" Cantandielo, 46, ng Purok 5 ng nabanggit na barangay. Ayon kay P/Insp. Peter Hernandez, nasamsam sa suspek ang kalahating kilong pinatuyong dahon ng marijuana at P500 mark money na ginamit ng isang poseur buyer sa operasyon na isinagawa dakong alas-6 ng gabi.
(Jeff Tombado) Lolo ni Iya Villania natodas |
CAMARINES NORTE Isang 84-anyos na lolo na pinaniniwalaang malapit na kaanak ng actress na si Iya Villania ang iniulat na nasawi makaraang masalpok ng trak sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Sto Niño sa bayan ng Talisay, Camarines Norte kamakalawa ng umaga. Naisugod pa sa Camarines Norte Provincial Hospital, subalit idineklarang patay ang biktimang si Moises Villania ng Purok 3 sa Barangay Sta. Cruz.
Boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang drayber ng trak (WFZ-480) na si Guillermo Salen, 29, ng Purok 1, Barangay Itomong, Talisay. Ang biktima ay naglalakad sa pagitan ng Km. 337 at Km 333 nang mahagip ng rumaragasang trak. Hindi naman kaagad naihinto ng drayber ang sasakyan sa takot na gulpihin ng taumbayan dahil sa naganap na sakuna.
(Francis Elevado)