Pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan ng sundalo na miyembro ng 1st Infantry Battalion na nakabase sa Cavinti, Laguna.
Napag-alaman na pawang reinforcement ang mga nasawing sundalo na tumutugis sa mga rebeldeng NPA na responsable sa pagpapasabog ng Globe cellular site sa Barangay Piis, Lucban, Quezon at nakapatay kay SPO3 Clarito Ilao sa Barangay Lumingon ng nabanggit na bayan.
Dahil dito, umaabot na sa 13-kawal ang nasawi at 32 naman ang nasugatan sa panig ng tropa ng militar matapos paigtingin ng mga rebeldeng NPA ang mga pag-atake sa buong bahagi ng bansa simula noong Sabado.
Ayon kay Army Spokesman Major Bartolome Bacarro, ang tumutugis na tropa ng militar ay pinangunahan 2nd Lt. Joseph Ryan Gomez at pinaniniwalaang marami ring nalagas sa panig ng mga rebelde batay na rin sa bakas ng dugo sa dinaanan ng NPA.
Magugunita na naiskoran ng malaki ng mga rebelde ang tropa ng militar matapos magpasabog ng landmine sa liblib na bahagi ng Calinog, Iloilo na ikinasawi ng siyam na sundalo habang 20 pa ang nasugatan.
Samantala, kamakalawa ay aabot naman sa sampung rebeldeng NPA na pinaniniwalaang magsasaka at miyembro ng party-list group na Bayan Muna ang iniulat na napatay matapos na makasagupa ang militar sa Palo, Leyte. (Tony Sandoval at Joy Cantos)