3 holdaper nasakote

PAMPANGA – Tatlong sibilyan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper na may operasyon sa Central Luzon, ang dinakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bayan ng Mabalacat, Pampanga, kamakalawa. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Noel Malalang, 45; Arvin Angeles at Liberty de Leon, 37, pawang residente ng Barangay Mangalit at Dolores sa bayang nabanggit.

Tugis naman ng CIDG ang nakatakas na kasamahan ng tatlo na si Eddie "Ardy" Peña ng Barangay San Francisco at dalawang hindi nabatid ang mga pangalan. Nasamsam sa mga suspek sa isinagawang raid, ang isang baril at P.370 milyon na pinaniniwalaang bahagi ng P2.5 milyon na tinangay mula sa negosyanteng si Cristina Pere, ayon sa ulat ni P/Senior Salvador Manga ng 3rd regional CIDG. Ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunsod ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bernadita Gabian Erum ng Angeles Regional Trial Court. (Resty Salvador)

Show comments