1 pulis todas sa encounter, 3 sugatan

Napatay ang isang pulis habang tatlo pa nitong kasamahan ang nasugatan makaraang makasagupa ng mga awtoridad ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagtangkang isabotahe ang isa na namang cellsite ng Globe Telecommunications sa Tiaong, Quezon kahapon ng madaling araw.

Base sa report ni Sr. Supt. Victorio Caragan, Quezon Police Director, kinilala ang nasawing pulis na si SPO3 Clarito Ilao, miyembro ng 405th Provincial Mobile Group samantalang sugatan naman sina SPO3 Levirato Garcia, PO3 Jimmy Bendo at PO1 Rhonnel Lamadrid.

Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leopoldo Bataoil, bandang alas-3:30 ng madaling-araw noong Linggo ng mamataan ng mga residente ang mga armadong kalalakihan na naka-fatigue uniform na patungo sa isang cellsite ng Globe sa may Brgy. Lumingon, Tiaong Quezon.

Agad namang rumesponde ang PNP kasama ang 743rd Combat Squadron ng Philippine Army at nasagupa nga nila ang may 50 miyembro ng NPA na lulan ng isang truck at isang van.

Matatandaang pinasabog din ng mga rebelde ang Globe cellsite sa Barangay Piit, Lucban Quezon noong Sabado ng umaga hanggang umabot sa bayan ng Sampaloc Quezon ang running gunbattle sa pagitan ng mga rebelde at mga elemento ng gobyerno.

Nagkaroon ng 45 minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad bago nagsitakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kagubatan.

Sinabi ni Bataoil na ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao ang malawakang hot pursuit operations laban sa grupo ng mga rebelde na nakasagupa ng puwersa ng pamahalaan.

Show comments