P4-M pekeng CD, VCD computer software samsam

CAMP VICENTE LIM, Laguna Mahigit sa P4 milyong halaga ng pekeng mga compact disk (CD), video compact disk (VCD) at PC software ang nakumpiska ng mga tauhan ng Optical Media Board (OMB), Regional Mobile Group-Calabarzon at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang pagsalakay sa iba’t ibang bayan sa Laguna kamakailan.

Ayon kay CIDG deputy regional director Supt. Flaviano Baltazar ng CIDG Calabarzon, nakumpiska ang may 257 sako ng pirated CD, VCD at computer software na nagkakahalaga ng P4,112,000.

Nabatid na sinalakay ng mga awtoridad ang Pacita Complex, San Pedro, Biñan Public Market, Barangay Mamatid, Cabuyao, Crossing Terminal at Calamba City, pawang sa Laguna.

Kasalukuyan nang nasa kostudya ng OMB Office sa Quezon City ang mga nakumpiska ng kagamitan at nakatakdang sampahan ng kaso ang mga taong nasa likod ng bentahan ng pekeng produkto. (Arnell Ozaeta)

Show comments