Ang sagupaan sa pagitan ng puwersa ng militar at ng bandidong Abu Sayyaf ay sumiklab noong Biyernes matapos atakihin ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron, ang tropa ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9 sa bayan ng Indanan na ikinasawi ng pitong sundalo at 22 pa ang nasugatan.
Kabilang sa mga nasawi ay apat sa tropa ng Phil. Army at tatlo naman mula sa Phil. Marines.
Tinataya namang 25 na o higit pa ang nasawi sa panig ng mga bandido habang marami pa ang nasugatan.
Bunga ng nasabing sagupaan ay tinatayang 470 pamilya ang inilikas sa mga evacuation centers mula sa mga Barangay Bato-bato, Buansa at Andihi.
Sa kabila ng spill over ng sagupaan, sinabi naman ni Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon na nananatiling kontrolado ng tropa ng militar ang sitwasyon.
"We are always prepared for any spillover but as I said, the situation is very much under control," ayon pa rito.
Nabatid na ang Sulu based ASG na nakikipagsagupa sa pamahalaan ay pinamumunuan nina Sahiron at Commander Doc Abu Pula. (Joy Cantos)