Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ciudad Medical Hospital si Kalingalan Caluang, Sulu Mayor Al-Khalid "Dodong" Caluang, 29, ng Barangay Sta. Maria ng lungsod na ito.
Kinalawit din ni kamatayan ang biktimang si Alusan Alam, 21, anak ng isang prominenteng abogado na kaibigan ni Mayor Caluang at naninirahan naman sa 2nd St., Navarro Court ng nabanggit na barangay.
Napag-alamang si Mayor Caluang tinamaan ang ulo, samantala si Alam ay napuruhan sa likurang bahagi ng ulo na naglagos sa noo.
Kasalukuyan namang nakikipaglaban kay kamatayan ang mga biktimang sina Nahil Mutalib, Abdul Adlib Jasoni at PO1 Edsil Neri, kasapi ng 9th Regional Mobile Group (RMG) na tinamaan naman ng ligaw na bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naitala ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa kahabaan ng Limbaga Street na sakop ng Barangay Pasonanca ng nasabing lungsod matapos na magtungo si Mayor Caluang kasama ang tatlo pang biktima.
Napag-alamang bumabagtas ang behikulo ng alkade sa kahabaan ng Scout Limbaga Road sa Barangay Pasonanca nang biglang sumulpot at ratratin ng dalawang armadong kalalakihan.
Nabatid na tinamaan ng ligaw na bala si PO1 Neri habang naglalakad sa catwalk pathway malapit sa bahay ng alkalde at ilang saglit pa ay namataan ang mga suspek habang tumatalilis sa nasabing lugar.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis sa pinangyarihan ng krimen ang 28 basyo ng bala ng M16 rifle at mga basyo ng 9mm.
Kasalukuyan nangangalap ng impormasyon ang mga tauhan ng pulisya upang makilala ang mga pumaslang sa mga biktima. (Joy Cantos)