4 kawatan ng kable, tiklo

Camp Crame – Bumagsak sa mga elemento ng pulisya ang apat na hinihinalang notoryus na miyembro ng cable wire robbery gang matapos ang mga itong maaktuhang nagpuputol ng cable wire ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company sa isinagawang operasyon sa Guagua, Pampanga kamakalawa.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Joselito Terenal, 28 anyos; Rogelio Cunanan, 24; Charlie Barlolong, 28 at Carlos Dizon, 25; pawang residente ng Sto. Domingo 2nd, Capas, Tarlac.

Base sa report, bandang alas- 6 ng gabi ng tumawag sa himpilan ng Guagua Municipal Police Station (MPS) ang security guard ng PLDT na nakabase sa San Roque sa bayang ito at inireport ang insidente.

Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad at nahuli sa akto ang apat na suspek habang nagpuputol ng cable wire ng PLDT.

Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na arestuhin at agad posasan ng mga awtoridad.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang mga kable ng PLDT na umaabot sa halagang P265,000,00; isang panlagare ng bakal, dalawang itak at isang motorsiklong Kawasaki na may plakang YS -8201. (Joy Cantos )

Show comments