Ito ang lulugo-lugong inamin kahapon sa press briefing ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao na nagtungo pa sa Dipolog City para alamin kung ang totoong wanted na si Sahiron ang naaresto ng kanyang mga tauhan.
"Nobodys perfect. Humihingi po kami ng paumanhin sa publiko, look alike ni Commander Sahiron ang nadakip ng PNP operatives, but the incident highligts key important elements in the government fight against terrorism", buong pagpapakumbabang pag-amin pa ni Lomibao.
Sinabi ni Lomibao na lumilitaw sa isinagawang beripikasyon ng mga elemento ng pulisya na look alike lamang ni Commander Sahiron ang kanilang nadakip.
Kamakalawa ng gabi ay buong pagmamalaking inianunsyo ng PNP ang diumanoy matagumpay na pagkakabitag kay Commander Sahiron ng Special Composite Team ng PNP sa Brgy. Kitabog, Titay, Zamboanga, Sibugay bandang alas- 4:30 ng hapon.
Ang inakalang pagkakabitag sa wanted na lider ng Abu Sayyaf ay ikinagalak pa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pinapurihan ang PNP operatives.
Si Sahiron ay may warrant of arrest sa 21 counts ng kasong kidnapping -for-ransom (KFR) kaugnay ng pagdukot sa 20 katao sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001 at kidnapping ng 21 katao kabilang ang 18 dayuhan na karamihan ay Europeans noong Abril 23, 2000 sa Sipadan, Malaysia.
Sa kabila nito, inihayag naman ni AFP-PIO Chief Col. Tristan Kison na tiwala ang liderato ng militar na kahit na wow-mali ang PNP ay susunod ng babagsak sa kamay ng batas sina ASG Chieftain Khadaffy Janjalani at iba pang lider ng Abu Sayyaf na nagtatago sa Central Mindanao kasama ng mga teroristang Jemaah Islamiyah (JI).