Driver sinunog ng holdaper

ANTIPOLO CITY Matapos na holdapin, pinatay at sinunog pa ng isang ’di-kilalang holdaper ang driver sa mismong taxi na minamaneho nito kahapon ng madaling-araw sa Brgy. San Juan, ng lungsod na ito.

Ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala mula sa hindi batid na kalibre ng baril sa dibdib ay nakilalang si Jesus Ayhon, 45, residente ng Santan St., La Colina, Brgy, Parang, sa nasabing lungsod.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO1 Marvin Yim, may hawak ng kaso, dakong alas-2 ng madaling-araw ng isang tawag ang natanggap sa himpilan ng pulisya na mayroong sinusunog na taxi sa kahabaan ng Forest Hills Subdivision, Brgy. San Juan kaya mabilis na rumesponde ang mga kagawad ng pulisya at barangay tanod sa lugar.

Nakita ng mga ito na nasa loob pa ng nasusunog na Toyota Corolla taxi na may plakang TED-800 si Ayhon kaya agad nilang inapula ang nagliliyab na sasakyan.

Matapos na makuha ang katawan ng biktima na bahagyang nasunog ay nadiskubreng patay na ito at may tama ng baril sa dibdib.

Ayon sa isang saksi, pumasok sa nasabing subdibisyon ang taxi na minamaneho ng biktima at may isa itong lalaking pasahero.

Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng hinoldap ng nag-iisang suspek ang biktima at pagkatapos patayin ay tinangka pa itong sunugin sa loob ng taxi.

Nagsagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa agarang pagkalutas ng kaso.

Show comments