6-kriminal nasakote
November 4, 2005 | 12:00am
CAVITE Anim na kalalakihan na pinaniniwalaang may mga kasong kriminal ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang operasyon sa bahaging sakop ng Barangay Longos, Zapote 5 sa bayan ng Bacoor, Cavite kahapon ng umaga. Ang mga suspek na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal ay nakilalang sina Romeo Madrigal, 23; Nilo Polida, 25; Renato Lopez, 23; Mamerto De Los Reyes, 56; Eduardo Capoquian, 43 at Ruel Madrigal, 44, na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Napag-alaman sa ulat ni SPO2 Dante Ordono, na may bitbit na mga baril ang nadakip na mga suspek at nakumpiskahan din ng bawal na gamot. (Cristina Timbang)
CAVITE Tatlong kababaihan na pawang kasapi ng grupong agaw-celfon ang dinakip ng mga kagawad ng pulisya makaraang maaktuhan sa kanilang modus operandi sa Barangay Sampaloc 1 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Teresa Gonzales, 40, ng B-7 L-22 Sunny broke Subd. San Francisco, General Trias; Joan Acdal Y Abao, 26, ng B-19 L-6 Phase 9, Barangay Alapan, Imus at Asianita Abao Y Vergara, 22, ng B-19 L-6 kapwa ng Barangay Alapan. Nabawi naman ang bag na naglalaman ng celfon at cash na pag-aari ng biktimang si Elena Quintoriano, 44, ng nabanggit ding barangay. (Cristina Timbang)
CAMP VICENTE LIM, Laguna Isang 33-anyos na security guard ang iniulat na pinaslang ng kanyang kabarong sikyu sa naganap na mainitang pagtatalo sa Barangay Paciano Rizal sa Calamba City, Laguna, kamakalawa. Napuruhan sa leeg ng patalim ang biktimang si Elmer Reyes, 33, ng Barangay Baclaran, Cabuyao, Laguna. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Rolly Suganog na kapwa guwardiya sa Asia Pacific Plastic Corp. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naaktuhan ng biktima ang suspek na natutulog sa guardhouse kaya sinita nito hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo. Dito na bumunot ng baril ang suspek at inupakan ang biktima, subalit sa paa lamang tinamaan kaya nakatakbo. Hinabol ng suspek ang biktima hanggang sa maabutan at gilitan sa leeg. (Ed Amoroso)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinaniniwalaang naungkat ang matagal na alitan kaya napatay sa saksak ang isang 27-anyos na mangingisdang mister ng kanyang nakababatang kapatid, kamakalawa ng gabi sa Barangay Lungib sa bayan ng Casiguran, Sorsogon. Nakilala ang biktimang si Victor Lagata, samantala, naaresto naman ang suspek si Dominador Lagata, alyas "Banono", 22, na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi habang nagkakainuman ng alak ang mag-utol, kasama ang ilang kaibigan. Dahil sa kapwa lango sa alak ang mag-utol ay naungkat ang matagal na alitan hanggang sa mauwi sa pamamaslang sa biktima. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Recommended