Lalaki patay sa mini-truck

STA. MARIA, Bulacan – Dahilan sa paglingon sa pagtawid ng itim na pusa, isang lalaki ang nasawi matapos mabundol ng isang mini-truck sa bayang ito kahapon.

Kinilala ang biktima na si Feliciano Tabuyloy, 34 anyos, may-asawa, ng Victoria Village, Brgy. Abangan Norte, Marilao ng lalawigang ito.

Iniimbestigahan naman sa himpilan ng pulisya ang driver ng Isuzu elf truck na kinilala namang si Jeffrey San Felipe, 25-anyos.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang binabagtas ng driver ng truck ang kahabaan ng highway ng nasabing lugar nang bigla na lamang umanong tumawid ang isang kulay itim na pusa na nilingon ng biktima bunsod upang masagasagan ito.

Hindi na umano nakontrol ng driver ang manibela ng truck dahilan sa bilis ng mga pangyayari.

Ipinalalagay naman ng mga residente sa lugar na may kaakibat na kamalasan ang pagtawid ng pusa na nagbunsod sa trahedya. (Efren Alcantara)

Show comments