Kinilala ni Superintendent Rolan Bustos, Calamba City police chief ang mga biktimang sina Danilo Mendoza, 50; at asawa nitong si Merlita, pawang residente ng Milwood Subdivision, Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna at nagmamay-ari ng Wise Option Loan & General Merchandise.
Napatay din ang close-in bodyguard ng mga Mendoza na si Rafael Cultura, residente ng Rosario, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon bandang ala-1:15 ng hapon nang pasukin ng dalawang armadong kalalakihan ang nabanggit na establisimyento na matatagpuan sa 2nd floor ng LSC Building, Provincial Road, Barangay Paciano Rizal sa bayang ito at nagdeklara ng hold-up.
Armado ng mga caliber .38 pistols, pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima matapos tumanggi ang mga ito na ibigay ang perang kanilang hinihingi.
Dead-on-the-spot si Danilo Mendoza at si Cultura matapos magtamo ng mga tama ng bala mula sa mga holdaper habang sumunod ding namatay si Merlita may dalawang oras habang ginagamot sa Calamba Doctors Hospital sanhi rin ng tama ng bala sa katawan.
Natangay ng mga suspek ang humigit kumulang sa P1 milyong piso at mabilis na nagsitakas dala pati ang sasakyan ng mga biktima na isang itim na Toyota Revo na may plate number VAB-847 patungo sa di-pa malamang direksyon.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at naglagay na rin ng mga checkpoints sa karatig bayan at sa posibleng lusutan ng mga suspek para sa kanilang agarang ikadarakip. (Arnell Ozaeta)