Lider ng Anakpawis, itinumba

CAMP CRAME – Hindi pa man nareresolba ang serye ng pamamaslang sa mga lider ng militanteng grupo ay isa na namang lider ng grupong Anakpawis ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa panibagong karahasan sa Malolos City, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Sumailalim na sa awtopsiya ang bangkay ni Federico de Leon, 53, lider ng Anakpawis-Bulacan Chapter at pangulo ng CBM Tricycle Operators and Drivers Association.

Napag-alamang si De Leon ay tumatayo rin lider ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa kanilang lalawigan.

Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, provincial director, naitala ang pamamaslang sa bisinidad ng Barangay Catmon Bulihan, sa Malolos City bandang alas-4:30 ng hapon.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay binaril ng apat na beses ng dalawang nagpanggap na pasahero, isa rito ay lalaki at isa naman ay babae.

Bago ang pagpatay sa biktima ay itinumba rin ng ‘di pa nakilalang mga armadong lalaki si Bayan Muna Provincial Coordinator Francisco Rivera, Dr. Angel David at Nemencio Maniti, kamakalawa sa Barangay Pulong Bato, Angeles City, Pampanga bandang alas-9 ng umaga. (Joy Cantos)

Show comments