2-anyos patay sa hataw ng amain

LUCENA CITY – Napatay sa hataw ng panggatong ang isang 2-anyos na batang lalaki ng sariling amain dahil lamang sa natapong isang basong tubig kamakalawa sa Sitio Dumuklong, Barangay Silangang Mayao ng lunsod na ito.

Ang biktima na nagtamo ng grabeng pagkabugbog sa katawan ay nakilalang si Aldwin Quijano Y Rafa, samantalang tumakas naman ang suspek na si Romeo Bungalinos, alyas Umie, may sapat na taong-gulang at residente ng nabanggit na barangay.

Sa naantalang ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Supt. Reuben Theodore Sindac, chief of police ng Lucena City naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng gabi.

Naghahapunan ang biktima at ang kapatid na si Annabelle, 6 kasama ang kanilang amain nang aksidenteng mabitawan ng bata ang hawak nitong isang basong tubig.

Tumapon sa ulam sa mesa ang tubig at iyon ang ikinagalit ng suspek, kumuha ito ng isang kahoy na panggatong at pinagpapalo ang kaawa-awang paslit.

Tumigil lamang umano sa kanyang ginagawa ang suspek nang makita na nitong nagkulay-talong na sa bugbog ang katawan ng bata. (Tony Sandoval)

Show comments