Kinilala ni AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Edilberto Adan, ang nasakoteng lider ng Rajah Solaiman Movement (RSM), isang grupo ng Muslim converts na si Ahmad Islam Santos alyas "Hilarion del Rosario Santos III."
Nakilala naman ang iba pa na nasakote na sina Badul Abdullah, Mursid Balao, Ismael Idris, Yamser Amdal, Malik Alimudin, ang may-ari ng ni-raid na safehouse at dalawang iba pa na kinabibilangan ni Narumruja Amdal
Ayon kay Adan, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang salakayin ng pinagsanib na operatiba ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Phil.-Military Intelligence Security Group (ISAFP-MISG) 9, Task Force Zamboanga, Special Warfare Group (SWAG) ng Phil. Navy, 9th Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Zamboanga City Police, ang safehouse ng mga suspek sa Sitio Triplet, Barangay San Jose ng nasabing lungsod.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Erlinda Pinera Uy ng National Capital Judicial Region Branch 82, Pasig City. Kaugnay ng kasong illegal possession of firearms & explosives, kidnapping at illegal detention with ransom.
Nasamsam mula sa mga suspek ang bultu-bultong armas at kemikal ng pampasabog na kinabibilangan ng 49 rounds ng bala ng 57 milimeter Recoiless rifle, anim na blasting caps, isang baby armalite rifle na may tatlong magazine, tatlong bolts ng M16 rifle, computers, mga dokumento, electrical tools at backpacks.
Napag-alamang si Del Rosario ay utol ni Dawud Santos, isa pang kasapi ng RSM na nagplano ng nasilat na bombing attacks sa Metro Manila nitong nakalipas na Semana Santa matapos masamsam ang 600 kilo ng mga pampasabog na natuklasang TNT sa operasyon sa Fairview, Quezon City.
Ayon sa isang intelligence officer, si Santos ay nagsilbing mensahero ni Mohammad Al-Khalifa, bayaw ni Al Qaeda Chieftain Osama bin Laden.
Ang nasabing grupo ay sangkot sa serye ng pambobomba noong Valentines Day sa Manila, General Santos City at Davao City na ikinasawi ng 8-katao habang marami pa ang nasugatan. (Joy Cantos)